Hindi ko alam bakit humaling na humaling si mama na mapanalunan sa mga raffle ang bigas. Samantalang ako, nung nasa murang edad ako, mas gugustuhin ko ang kahit anong premyo, 'wag lang ang bigas. Bakit? Kasi, dyahe. Nakakahiya. Pagkatapos ng party or event, anong mukhang maihaharap ko sa mga makakakita sakin. May dalang bigas? Jusko kainin na ako ng lupa.
Naalala ko noong sampung taong gulang ako, ang isang kilo ng typical na bigas ay nasa 18.00 piso kada kilo. Anong bagsik at bilis naman, ngayon nasa 55.00 hanggang 65.00 piso kada kilo ng tinging bigas.
Dumating din sa punto na umabot ng 1600.00 ang kada 25 kilo ng bigas, one month to pay. At pag cash, pwede makuha ng 1450.00 kada 25 kilo. Nakakalula ang presyo ng bigas ngayon. Dahil dito, unti-unti kong naintindihan ang dahilan ni mama kung bakit kada libreng kilo ng bigas ang laging hangad nya kung may pagkakataon man.
Umattend ako dati sa isang Christmas Party sa isang simbahan. Ang regular na premyo: 5 kilong bigas. Pero ang isip ko nakatuon sa mango graham package, chocolates, at mga bagay na bihira ako magkaroon. Siguro dahil nung panahon na yun bihira lang kami makakain ng ganoon desert at iba pang bagay na wala kami. Pero alam mo ba? Asar na asar ako. Kasi ang nabunot na premyo ni mama, ano pa ba? Limang kilong bigas.
Hindi ko ramdam ang bigat ng isang kilong bigas noon. Nagta-trabaho si mama sa isang bakery noon. Wala pa kaming kakayahan bumili ng pang 5 kilo, 10 kilo, or 25 kilo ng bigas. Araw araw, or kada linggo nangungutang kami ng bigas sa tindahan ng tiyahin ko. Hiyang hiya pa ako nun kasi imbes na "Pagbilan" ang lagi namin sasabihin "Tao pooo." O di kaya "Titaaaaa..." Syempre alam na agad ng tindera kung ano pakay namin pag hindi "Pagbilan" ang sinasabi namin.
Ngayon, nag triple na yung edad ko. Pero mas mabilis na nagtriple kesa sa edad ko ang presyo ng bigas.
Ngayon na ako na ang bumibili ng bigas, lubusan ko ng naunawaan si mama. Kaya kada may pagkakataon na may natatanggap kaming libreng bigas galing sa buwis ng mamamayan or galing sa aking mga naging amo sa trabaho, hindi na lang si mama ang tuwang-tuwa. Ako rin, pero mas tuwang tuwa na ako sa kanya.
Matapos ang dalawampung taon, nagbago ang eksena. Ako na yung excited kapag, nanalo ng bigas sa raffle. Kapag may libreng pabigas sa barangay or sa munisipyo. Bakit, ulit? Isang rason lang. Ako na kasi ang bumibili ng bigas, hindi na si mama.
Isang pang dahilan, sa bawat lima o sampung kilong bigas na natatanggap namin ng libre, may isang taong nakakatipid, dito sa bansang pinkamabilis tumaas ang bilihin. Pero alam mo yung nakakatawa dun, ako na talaga yung bumibili ng bigas, at ako na yung makakatipid.

No comments:
Post a Comment